JOLOGS IS BROWN...

... and i'm a brown monkey

Wednesday, March 22, 2006

Ang Mahiwagang Panyo.

Bata pa ako nang huling magdala ng panyo sa aking bulsa. Sabi kasi sakin dati, kasama daw ito sa "proper hygiene" ng isang batang babae. Totoo nga naman, ayos talaga 'to kapag may emergency, halimbawa, kung ika'y biglang sinipon. Ngunit bihira kong ilabas ang aking mga magagandang panyo sapagkat hindi ko magawang gamitin at ayokong mabahiran ng dumi ang pink embroidery ng aking pangalan (o ang puti'i dilaw na polka dots at lace).

Laking gulat ko tuloy nang nagawi ako sa Bicol noong nakaraang taon at nakita kong may mga tao palang nakasalalay ang buhay sa kanilang mga panyo. Totoo!

Nasa simbahan kami noong isang mainit na tanghali. Hindi ako mapakali dahil sa pawis na tumatagaktak sa aking leeg. Imbis na makinig sa magandang balita na ipinapahayag ng pari, pinagmasdan ko ang mag-inang pumuwesto sa harap ng aking kinalalagyan. May hawak na panyo ang nanay, maraming bulaklak at medyo kupas. Papasok pa lamang siya ng simbahan, nagsisimula pa lang ang misa. Ipinantatakip ng ale ang maliit na tela sa kanyang ilong at bibig. Nakaupo na siya at lahat, naayos na ang palda ng kaniyang anak, at hawak parin niya ang panyo sa kanyang ilong. Nagtaka ako ng ilang sandli kung baka naman nakadikit ang tela sa kanyang mukha, ngunit hindi naman. Wala naman akong naamoy na 'di kanais-nais at hindi ko maintindihan kung bakit niya pilit na tinatakpan ang kalahati ng kanyang mukha. Inisip ko rin na baka tinatakpan niya ang kanyang pangit na ilong, ngunit sa susunod na sandali ay bigla niyang ibinaba ang panyo at wala naman akong nakitang kahiya-hiya. Hindi ko maintindihan ang gawaing ito -- at nakikita ko ito sa kababaihan lamang (madalas sa hintayan ng dyip o sa pagtawid ng kalye). Kulang nalang ay itahi ang panyo sa kanilang mga pisngi... very Arabic ang dating.

Tumayo ang lahat sa simbahan, Glorya na. Nalibre lang pala ang kamay ng ina sapagkat siya'y naiinitan. Wala pang dalawang minuto ang nakaraan mula nang mawalay ang panyo sa kanyang mukha, ay sa leeg naman ito napadpad. Pinamunas muna niya ng pawis sa leeg ang kanyang panyo... at biglang bumalik sa kanyang ilong! Inaamoy ba niya ito? Ah hindi... pinupunasan din niya ang kanyang buong mukha. Tinignan niya ang kaniyang anak na sa kasalukuyan ay kumakain ng mumurahing chicherya na panay pulbos. 'Naku! (Sabi siguro ng nanay,) ang dungis ng anak ko!' Dalian niyang pinunasan ang bibig ng bata, gamit parin ang kanyang floral na panyo. Pagkatapos ay pinampunas din niya ito ng kamay ng bata na nanlagkit na sa tunaw na kending may sari-saring kulay.

Naisip siguro ni inay na puro junk-food na ang pinagkakakain ng kanyang anak, kaya inilabas na niya ang dede ng bata. Pagkatanggal ng takip ay pinunasan niyang muli ang dede, gamit parin ang iisang panyong nanggaling na sa kanyang ilong, bibig, leeg, at puno na ng durog na chicherya at malagkit na kendi! Nandiri ako. Hindi na ata ito kasama sa "proper hygiene", ngunit tuluyan ko parin silang pinanood, parang isang kadiring pelikula.

Pinauupo nanaman ang kongregasyon, ngunit nakita ng nanay ang kalat ng kanyang anak. Pinunasan niya ang kanilang upuan. Pagkatapos ng ilang sandali, pinaluluhod ang lahat. Matigas ang luhuran, kaya inilagay niya ang panyo sa ilalim ng kanyang tuhod. Ang kanyang walang-muang-na-anak naman ay umakyat sa upuan at naglakad-lakad sa ibabaw nito. Walang kibo ang nanay: baka normal ang pag-tayo sa upuan sa Bicol? Normal din kayang punasan muli ang upuan pagkatapos bumaba ang kaniyang anak? Ginawa niya ito, ngunit sa palagay ko'y mas nagkakalat pa ng dumi ang kanyang panyo kaysa nakakalinis ng paligid.

Nang siya'y tumayo mula sa pagkakaluhod, nahulog ang kanyang panyo sa sahig. Dinampot ito ng ina at madaliang ipinagpag. Tumungo ako nang tuluyan niya itong ipinapagpag, dahil sa guni-guni ko ay lumilipad ang mikrobyo nito patungo sa akin at ako'y nanghina. Talaga namang umihip pa ata ang hangin sa paggawa niya nito at nadiskubre niyang maaari ding gawing pamaypay ang kanyang panyo! Napakamahiwaga talaga!

Pagkatapos ng misa at palakad na ang mag-ina palabas ng simbahan, parang automatik ang pagbalik ng panyo sa ilong ng nakatatanda. Oo nga naman, sino nga bang gustong maka-ihip ng dumi sa paligid? Mabuti nang may proteksyon mula sa MAHIWAGANG PANYO!


*Wow this was a complicated exercise. I will try to edit, but then I think it would have worked better in English. I even have a better title: The Magic Anti-Bacterial Hanky! The humor just doesn't work in Tagalog. Besides, my vocabulary is so limited to the vernacular, hardly enough to describe in detail, that I tend to repeat words over and over.